Kami ay isang grupo ng mga mag-aaral mula sa 1SNED1 ng Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad ng Santo Tomas at kami ay naatasan ng aming guro sa Filipino na mag-sagawa ng panayam sa isang institusyon, lalo na sa isang paaralan, upang alamin ang kurikulum nila sa asignaturang Filipino. Kaya naman, kami ay dumayo pa mula sa Manila patungong Fairview, Quezon City upang makausap ang isang guro ng Filipino mula sa Fairview Baptist Academy(FBA).

Sa isang maliit na kanto sa Fairview matatagpuan ang paaralan at maliit lamang ito. Tatlong palapag ang taas at kaunti lang ang mga mag-aaral kaya naman, iisa lang ang seksyon sa bawat baitang, parehas sa pre-school, elementarya at hayskul.
Dinalaw naman ng galimgim ang isa naming kagrupo sapagkat dito siya nagtapos ng hayskul at bumabalik sa kaniya ang mga alaalang nakaukit na sa mga pader ng paaralan.
Aming nakapanayam ang guro ng Filipino sa hayskul ng paaralan na si Gng. Liezl P. Espiritu na siyang naging adviser ng isa sa amin noong siya ay nasa ika-sampung baitang. Nagtapos siya ng Bachelor on Secondary Education Major in Filipino sa Pamantasan ng Dulong Silangan o mas kilala bilang Far Eastern University o FEU. Nagsimula siyang magturo sa FBA noong 1922 kaya naman siya ay nasa serbisyo na ng pagtuturo sa humigit kumulang dalawampu’t anim na taon. Ayon sa kanya, ang kaniyang matataas na marka sa Filipino noong unang taon niya sa kolehiyo ang naging dahilan kung bakit niya piniling ituro ang asignaturang ito. Malaki rin ang epekto ng kaniyang mga barkadang Filipino ang major dahil naimpluwensiyahan siya at napapayag siya ng mga ito na kunin ang nasabing asignatura. Ngunit, sa kinalaunan ay naging masaya naman siya sa kaniyang desisyon. Siya ay sanay at hasa sa pag-sulat sa Filipino kaya naman noong siya ay nasa hayskul pa lamang, ay lumalaban na siya sa mga patimpalak, sa pagsulat ng editoryal o pangulong tudling at naging manunulat rin siya ng pahayagan ng kaniyang paaralan.

Dahil nga siya ay isang guro sa hayskul, ipinaliwanag niya sa amin ang kurikulum ng Filipino sa antas na ito.
Maliban kay Gng. Espiritu, ay nakapanayam din namin ang isang mag-aaral na nasa ika-limang baitang at dalawang mag-aaral na nasa ika-apat na taon ng hayskul.


Alam naman natin na ang Filipino ay nahahati sa dalawa. Panitikan at Balarila. Sa elementarya sila ay tinatawag na Pagbasa at Wika. Naaalala ko pa, noong mga lumipas na taon ay minsan, magkahiwalay pa ang aklat ng dalawa.




Ang Balarila ay nakapokus sa gramatika; sa gamit ng mga bantas, pang-abay, pandiwa at iba pa. Kalakip ng pag-aaral nito ay ang Panitikan na kinakapabilangan ng mga literaturang Filipino at sa bawat taon ng hayskul, sa ika-apat na markahan nito, ay mayroong nakalaan na kilalang akda ang itinuturo at ipinakikilala sa mga mag-aaral. Sa unang taon ay ang koridong Ibong Adarna. Sa pangalawang taon ay ang istorya ng pag-iibigan nila Florante at Laura. Ang mga nobela naman ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay itinuturo sa ika-tatlo at ika-apat na taon at ayon sa aming kagrupo, upang ihanda sila sa mga aralin tungkol sa mga akda, pumupunta sila sa Kampo Crame sa Cubao taon-taon upang makapanood ng dulaang bersiyon ng mga ito.
Ang ating bansa ay isang multi-linggwal na bansa. Uso at laganap sa atin ang pag-gamit ng tinatawag na code switching o pagpapalit-wika at hindi na rin bago ang kaparaanang ito sa konteksto ng paaralan. Tinanong namin kay Gng. Espiritu kung ano nga ba ang ginagamit niyang wika kapag siya ay nagtuturo. Tagalog ang kaniyang sagot. Ngunit, hindi rin niya minsan maiwasang gumamit ng Ingles dahil may mga salita at konsepto na kailangan muna niyang sabihin at ipaliwanag sa wikang ito upang magkakaroon ng mas malalim na pang-unawa ang kaniyang klase tungkol sa aralin.
Napatunayan naming epektibo ang paraan na ito nang tanungin namin ang aming nakapanayam na dalawang mag-aaral na nasa ika-apat na taon sa kolehiyo. Ayon sa kanila, may mga salita, lalong-lalo na ang mga matatalinhagang salita, at mga konsepto na kinakailangan munang isalin sa Ingles bago nila ito lubos na maintindihan at magamit sa isang pangungusap.
Maliban sa mga takdang-aralin at pagsusulit na ipinapagawa niya sa kaniyang mga anak, ay may iba pang istratehiya o mga kaparaanan pa siyang ginagamit upang mapayabong pa ang kanilang kaalaman at karanasan sa paggamit ng Filipino kagaya ng mga pag-uulat, role playing, video presentation, debate, pagsulat ng iskrip at iba pa na napupunta naman sa kanilang PeTa o Performance Task. Ayon sa kaniya, importanteng matuto ang mga mag-aaral hindi lang sa pasulat kung hindi ay pati na rin sa pasalita dahil ito ang ginagamit natin sa pakikipag-usap at pakiki-halubilo sa ating kapwa Pilipino.
Isa sa mga suliraning nagbabadyang kakaharapin ng Filipino ayon kay Gng. Espiritu, ay ang unti-unting pag-tanggal ng mga asignaturang naka-pokus sa ating wika sa antas ng kolehiyo dahil nga halos matatalakay na ito sa elementarya at hayskul at dahil kapag nakakuha naman na ng trabaho ang isang tao at kapag pupunta siya sa ibang bansa, ay hindi naman ang kasanayan niya sa Filipino ang titignan kundi ang kaniyang kagalingan sa pag-gamit at pag-sasalita ng Ingles. Nandoon ang kaniyang takot na makitang mangyari ang bagay na ito.

Kaya naman ay humingi kami sa kaniya ng isang solusyong kaniyang naiisip upang maagapan at malutas ang problemang ito ng ating wika.
Ang sabi niya ay siya mismo ang gagawa ng paraan upang madagdagan pa ang mga asignaturang naka-pokus sa Filipino lalong-lalo na sa kolehiyo dahil kung hindi kukuha ng programang edukasyon at major sa Filipino ang isang mamamayan, mag-tatapos ang kaniyang pag-aaral nito kapag naipasa na niya ang Filipino 1,2,3,4. Nakakalungkot daw isipin na hanggang doon lang ang nalalaman no ukol sa ating wika. Sa pamamagitan ng pag-dagdag ng mga asignaturang Filipino sa edukasyon ng mga mag-aaral, naipakikita niya na kaya nitong maging instrumento upang makilala at magamit ang ating wika sa iba’t-ibang aspeto ng ating buhay.
Ngunit, hindi namin lubos na inakala na makalipas ang ilang araw matapos ang aming interbyu kasama si Gng. Espiritu, ay makikita na lang namin sa aming mga Facebook wall ang isang nakalulungkot na balita. Ang kaniyang kinatatakutang mangyari ay nangyari na. At eto ay ang kasalukuyang isyu ng pag-apruba ng ating Korte Suprema sa pag-tanggal ng Filipino sa kolehiyo. Mabigat pa dito ay ang CHED mismo ang nagtangkilik sa pagpapatanggal ng asignaturang ito sa kadahilanang naituro at nadaanan na ito ng mga estudyante noong sila’y nasa elementarya at hayskul pa lamang. Ang pangangatuwiran na ito ay hindi sapat. Bakit hindi nila ilapat ang pangangatwiran na ito sa iba pang mga asignatura?

Kung ating palalawakin ang argumento, napag-aaralan din ng mga estudyante ang Ingles, Agham at Sipnayan sa kolehiyo bilang mga General Education Subjects o GenEd. Kung ang dahilan ng pag-alis ng Filipino sa kolehiyo ay ganito, makakaya rin ba nilang alisin ang mga ibang paksang ito? O bakit hindi na lang ang mga ito ang alisin? Ito rin ay malinaw na pagtatangka ng gobyerno na hatiin ang lipunan at muling alisin ang isang wika na mismong nakatutulong sa ating pagkakaisa. Malaki rin ang magiging epekto nito, hindi lang sa mga larangan ng edukasyon kundi pati na rin sa buong bansa. Sapagkat lubos na maitatabon sa limot ang ating kultura at unti-unti nang mawawalan ng kaalaman ang kasalukuyang kabataan sa araling Filipino.
Bakit nga ba importante ang pag-aaral ng Filipino?
Ang asignaturang Filipino ay mahalaga hindi lang dahil karapat dapat na manatili ito sa ating mga paaralan, kundi dahil tayo rin ay mga Pilipino at dapat lang na ating mahalin at tayo ay masanay sa ating sariling wika. Bagamat araw-araw natin itong ginagamit, marami pa ring mga Pilipino ang hindi bihasa rito. Marami pa ring mga Pilipino ang hindi mahusay at patuloy na nagkakamali sa pag-gamit at tamang pag-bigkas ng ating mga salita. Sa pamamagitan ng Filipino, magiging mulat ang bawat mag-aaral sa tamang paggamit ng ating wika lalo na sa kolehiyo kung saan ang intelektwalisadong paggamit ng ating wika ay pinagtutuunan ng pansin.

Ayon sa pinakabata naming nakapanayam, mahalaga ang pag-aaral ng Filipino dahil marami pa raw siyang natututunan at napag-aaralan. Mahalaga rin daw ito kapag siya ay nagtrabaho na at para siya ay magkaroon ng magandang buhay. Importante rin ito para sa aming dalawang graduating students dahil naka-ugat daw rito ang ating kultura at ito raw ang nasimulan natin. Sabi nila ay maiinis daw ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal kung pinabayaan nating mawala ang ating salita dahil pati ang pagka-Pilipino natin ay kasabay nito na maglalaho na parang isang bula kaya huwag daw nating hayaan na kainin tayo ng ibang wika. Itong wika natin ay galing pa sa mga sinaunang panahon kaya dapat itong i-preserba hanggang sa mga susunod pang henerasyon. Sabi nga ng dalawa, “Tignan niyo yung irony dito, ‘Pilipinong hindi magaling sa Filipino’.” Inamin nila na mas nasanay na sila sa pag-gamit at pag-halo ng Ingles sa pang araw-araw na paggamit ng Filipino kahit sa loob ng kanilang mga tahanan. Hindi kagaya ng aming pinakabatang nakapanayam na halos Filipino lamang ang kinalakihang wika sa bahay. Hindi naman daw nila sinasabing masama na mag-aral ng ibang wika sa Filipino bagkus ay para sa kanila, mas maganda pa rin na unahin ang kasanayan natin sa ating sariling wika.
Sabi naman ni Gng. Espiritu, importante ang maging malay sa ating wika dahil ito ang salamin ng ating buhay at kaluluwa. Kahit na hindi raw siya guro at nagtuturo ng Filipino ay kanya pa rin itong pag-aaralan dahil tatak ito ng pagiging Pilipino niya. Na kapag narinig siyang ginagamit ito ay madali nilang makikilala at malalaman na siya ay galing sa Pilipinas. Kahit na na sa modernisadong mundo na tayo at natututo na tayong makipag-sapalaran at makipagsabayan sa ibang bansa, ay hindi raw natin kaya at maaaring hubarin ang ating pagka-Pilipino. Taas noo niyang sinabi na ipinagmamalaki niya na siya ay nagtuturo ng Filipino.

Mga Sanggunian at Artikulong Nabasa:
(2017, November 8). Filipino artist Kristian Kabuay revives Baybayin. Retrieved from http://primer.com.ph/blog/2017/11/08/filipino-artist-kristian-kabuay-revives-baybayin/
Aning, J., & Torres-Tupas, T. (n.d.). SC: Filipino, ‘Panitikan’ no longer core college subjects. Retrieved from https://newsinfo.inquirer.net/1052447/sc-filipino-panitikan-no-longer-core-college-subjects?utm_medium=Social&utm_source=Facebook&fbclid=IwAR1d3KX1GXWjuefv6JYpDJgxTGDVaqt3LY4sEwCp_Y3omauPzTYlPiDhLm4#Echobox=1541828167
Inocencio, H. M. (n.d.). Pagtatanggal ng Asignaturang Filipino sa Kolehiyo: Epekto sa mga Mag-aaral ng Bachelor of Secondary Education sa Bulacan State University. Retrieved from http://www.academia.edu/32046723/Pagtatanggal_ng_Asignaturang_Filipino_sa_Kolehiyo_Epekto_sa_mga_Mag-aaral_ng_Bachelor_of_Secondary_Education_sa_Bulacan_State_University
Santos, T. (2016, August 30). Pagpapanatili ng Filipino sa kolehiyo, daan para sa pagyabong ng wika. Retrieved from http://varsitarian.net/news/20160830/pagpapanatili_ng_filipino_sa_kolehiyo_daan_para_sa_pagyabong_ng_wika?fbclid=IwAR1hYggWlGe7b8L_orDYAM7JIUcneEhWF3F6vVF8Tguq6FYtfyyBGGj4c50
Silverio, I. A., & LukeBryan. (2014, June 27). Removing Filipino as a subject in college: A betrayal in the name of business? Retrieved from http://bulatlat.com/main/2014/06/27/removing-filipino-as-a-subject-in-college-a-betrayal-in-the-name-of-business/


Bakit nga ba importante ang pag-aaral ng Filipino?
Sabi nga ng aming dalawang
Maraming kabataan ang hirap gumamit ng wikang Filipino, dahil nawawala na ang halaga nito sa mga tahanan pa lamang. Kailangan nating bigyang pansin at halaga ang ating wikang upang maging pamilyar tayo rito, dahil mas nakakahiya kung tayong Pilipino ay hindi natin alam kung paano gumamit ng wastong pantig o baybay ng salita. Kung nagagawa nating aralin ang mga wika ng ibang bansa katulad ng Ingles, Korean at iba pa, sana ganon din ang ating pagkasabik sa sarili nating wika.
(c) Manila Bulletin
(c) Yelp Manila
(ctto)
(c) Yelp Manila